Tuesday, April 9, 2024

 

Eksena sa Bataan Death March:

Wala nang sasarap pa sa tubig na titighaw sa nanunuyong lalamunan. Ipagpapalit niya ang lahat ng ari-arian sa isang basong malamig na tubig. Matitiis ang gutom pero hindi ang uhaw sa gitna ng impiyernong ito. Maya-maya, sinenyasan silang magpatuloy na sa paglakad. Lugami ang hukbong kinabibilangan ni Nato. Sa isang bakod ng alambreng tinik sa gilid ng daan, may karimarimarim na tagpo. Hindi agad makilala kung ano iyon buhat sa limampung metrong layo, ngunit habang papalapit hindi maipagkakamaling sundalong Filipino ang nakasabit doon. Nakasampay ang nakadipang mga kamay sa alambre at halatang inilagay talaga sa ganoong puwesto. Bangas ang mukha ng lalaki. Natuyo na ang dugo sa mga pisngi. Ngunit higit na matitilihan ang sinuman sa wakwak na sikmurang nakalantad sa lahat. Itinarak ang bayoneta sa gitna ng katawan at itinikwas pataas ang talim. Nagkasabog-sabog ang laman-loob na nakaluwa sa harap ng lungayngay na bangkay. Nakadapo ang sandamakmak na langaw sa bituka. Nang tingnan ni Nato ang ibabang bahagi ng katawan, wala doon ang mga binti at hita ng lalaki.

Mula sa Bataan Uncensored, Lt. Miller, US Army

 

Monday, October 1, 2007

banyaga ni charlson ong

huling araw ng klase ngayon, oktubre 1, 2007. dance drama adaptation ang ginawa ng huling grupo sa nobelang banyaga ni charlson ong. ginawang tula saka isinalaysay at isinayaw. hmm. pasiklab.

ang sabi ko, binubuksan ng nobela ang pagtingin sa mga tsinoy, tinatanggal ang esteryotipikong prehuwisyo. na hindi lamang sila puro negosyo kundi tao na nasa gitna ng pagbabago sa konteksto ng pagiging filipino.

mahusay si charlson. tunay na mababago ng mahusay na nobela ang pagtingin sa tao sa loob lamang ng panahong binabasa ang akda. kung minsan sa loob ng isang araw. sino ang nagsasabi na mahirap baguhin ang mundo? ang panitikan ay may kakayahan na iukit sa kamalayan ang salimuot ng isang buong buhay at isabagong-anyo ang kamalayan. nagsisimula sa isa ngunit nakaamba ang pagkakataon na maidamay ang iba pa. ang sa klase, kapag nagawa ito, tagumpay nang matatawag ang limang buwang halos pagtitiis sa init at sikip ng cal new building.

Thursday, June 28, 2007

kroskultural na papel

WIKA AT PANITIKANG FILIPINO SA HAMON NG UGNAYANG KROSKULTURAL

Romulo P. Baquiran, Jr.
Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas
Kolehiyo ng Arte at Literatura
Unibersidad ng Pilipinas
Diliman, Lungsod Quezon

Pambansang Kumperensiya
Pagtatagpong Kros-Kultural ng mga Wika at mga Panitikan
Unibersidad ng Pilipinas
Diliman, Lungsod Quezon
25-27 Oktubre 2006
UP Sentro ng Wikang Filipino

Wika, Kultura, at Ugnayang Kroskultural
Pagbabago ang isa sa pangunahing katangian ng pag-iral at pagpapatuloy ng isang lipunan. Isang sistema ang lipunan na nagpapahayag ng namumukod na katangian sa pamamagitan ng kultura. Tinutukoy sa papel na ito ang kultura bilang padron o pattern ng gawi o pamumuhay ng isang lipunan lalo na ang aspektong simboliko na nagbibigay ng kahulugan o saysay sa gayong gawi o pamumuhay. Sa kalahatan, binibigyang kahulugan ang kultura bilang uri ng pamumuhay ng isang komunidad o lipunan na nagpapahayag ng paraan ng pag-angkop sa mga espesipikong pangangailangan nito sa isang takdang panahon.
Matutukoy ang kultura sa kakayahan ng lipunan na mag-uri, magsakodigo, at maipaunawa sa mga kasapi nito ang mga karanasan at paniniwala sa paraang simboliko. Sa madaling sabi, malaking bahagi ng kultura ang pamamaraang ginagamit ng mga kasapi ng lipunan sa pakikipamuhay sang-ayon sa kanilang pananaw-sa-daigdig, wika, at kasaysayan. Binubuo ang kultura ng aspektong materyal at pangkamalayan. Binubuo ang kultura ng mga 1) halagahan 2) norm 3) institusyon at 4) artefak.[1] Nasa halagahan ang mga ideya o ideyolohiya patungkol sa mga pinahahalagahang bagay. Binubuo ang norm ng mga asal o gawing inaasahang sundin ng mga kasapi ng isang lipunan. May mga pamamaraan ang isang lipunan upang maipahayag ang mga halagahan at norm nito. Ang mga institusyon, tulad ng pamilya, ang mga estruktura ng lipunan na mga daluyan ng paglilipat ng mga norm nito. Materyal na bahagi ng kultura ang artefak na sa katotohana’y mga kongkretong produktong nalilikha ng mga halagahan at norm.
Mahihinuha sa mga kategoryang pangkulturang ito ang isang sistematikong rubrikong nakabatay sa simbolikong paradaym upang magkaunawaan ang mga kasapi ng lipunan.[2] Ginagamit ang mga simbolong komun upang maunawaan ang isa’t isa, upang maipahayag ang mga kaisipan sa paraang intelehente. Ito ang buod na pinagmumulan ng sistemang pangkomunikasyon. Malaking bahagi ng sistemang ito ang naipapahayag sa pamamagitan ng wika. Ayon kay Ferdinand de Saussure, pangunahing katangian ng wika ang pagiging simboliko nito.[3] Ibig sabihin, kinakatawan ng mga kombinasyon ng titik (maaaring ponema o pinakamaliit na yunit na lumilikha ng kahulugan) ang isang bagay na umiiral sa realidad o totoong buhay. Ang salitang pusa na binubuo ng mga titik na p-u-s-a ay kumakatawan o sumisimbolo sa “mabuhok na alagang hayop na nanghuhuli ng daga.” Ngunit walang tuwirang kinalaman ang salitang ito sa mismong hayop na gayon ang tawag. Isang kumbensiyon o arbitraryong pagtatalaga lamang ng mga miyembro ng lipunan ang semantikong ugnayan ng hayop at ng lingguwistikong simbolo nito. Patunay ng pagiging kumbensiyonal ng simbolong “pusa” ang naiibang katawagan sa hayop na ito sa ibang wika: gato sa Espanyol, at cat sa Ingles, ngunit tumutukoy pa rin sa parehong hayop.
Bagama’t arbitraryo, nakaugat sa kongkreto at historikong kondisyon ng isang lipunan ang ginagamit nitong wika. Ang espesipikong karanasan at pananaw-sa-daigdig ng lipunan ay masasalamin sa wikang nilikha nito. Kung gayon, nilalaman ng wika ang lawak at hanggahan ng pagkaunawa ng mga kasapi nito sa daigdig. Sa ilang teorya, maging ang paraan ng pag-unawa sa daigdig ng isang pangkat ng tao ay nakasalalay sa wika nito. Nakasasapat ang antas ng katangian ng wika sa isang partikular na yugto ng pagbabago ng isang lipunan sa mga layunin ng mga kasapi nito. Mayroong itong sariling kahusayan na hindi maglalagay dito ng apelasyong “paurong” o “nahuhuli sa takbo ng panahon.” Ibig sabihin, kung natutugunan ng wika ang mga pangangailangan at hamon sa loob ng isang kultura, maituturing na kalakasan ang gayong pagtugon.
Ngunit hindi laging mapapanatili ng isang lipunan sa habang panahon ang estabilidad o kawalan ng pagbabago. Palagiang nakaabang ang pagbabago. Maaaring tanggapin o sikaping tanggihan ng isang lipunan ang pagdulog ng pagbabagong pangkultura ngunit palagian itong nakaamba at sa katotohana’y bahagi ng dinamika ng panlipunang pag-iral. Sa bawat bagong salik na may hatid na pagbabago, may iba’t ibang paraan ng reaksiyon ang mga panlipunang uri o sektor na representante ng kanilang panlipunang interes (kadalasang kaugnay ng kapangyarihan, lalo na ng ekonomiko). Halimbawa, noong ikalawang hati ng siglo 19 sa Filipinas, negatibo ang tingin ng mga konserbatibong puwersa sa mapagmulat na resulta ng edukasyon ngunit sa wakas, nanaig din ang paglaganap ng mga liberal at kontra-kolonyal na konsepto na humantong sa rebolusyong 1896.
Nangyayari ang kroskultural ugnayan sa mga komunidad. Itong komunidad ay maaaring isang maliit na pangkat gaya ng mga nasa akademya o isang nayon kaya. Puwede ring isang malaking konsepto o realidad gaya ng isang bansa. Sa pagsasalubungan ng mga kultura, nangyayari sa at naiaatang sa wika ang mga sityo ng interaksiyon. Kaya hindi dapat pang ipagtaka na malaking bahagi ng ating wika ay ambag ng mga pangkat ng taong nakisalamuha at nakipamuhay, at sumakop sa atin. Kaya sa kroskultural na penomenon, laging mahalaga ang papel ng wika. Sa pagtatanghal, pagpapangalan, at paglalarawan ng interaksiyong kroskultural, wika ang instrumento sa pag-unawa ng lawak at lalim ng pagbabagong nangyayari.
Hindi na bago sa ating mga Filipino ang kroskultural na penomenon. Bago pa ang simula ng ating nakasulat na kasaysayan, dumadayo na sa kapuluan natin ang mga Hindu, Arabe, Tsino, at iba pang Asyano para makipagkalakalan. Natagpuan sa mga excavation sa Novaliches at Calatagan ang mga artefak tulad ng mga palayok na ebidensiya ng posibilidad ng impluwensiya ng hiram na elemento sa katutubong kultura. Sa panahon ng nakasulat na kasaysayan, matutunghayan natin ang hayag na salubungan ng dalawang kultura—katutubo at dayuhan—sa lahat ng aspekto ng buhay mula politikal, sosyal, at lalo na ang kultural.
“Palagiang nagbabago ang lipunan. Biglaan kung minsan ang pagbabago, tulad sa rebolusyon. O matagalan at halos hindi napapansin,” sang-ayon sa isang antropologo.[4] Isa sa malaking dahilan ng pagbabagong panlipunan ang kultural na kontak ng dalawa o higit pang pangkat ng tao. “Akulturasyon” ang tawag dito at binibigyang depinisyon bilang sitwasyon kapag “ang mga grupo ng mga indibidwal na mula sa magkakaibang kultura ay magkaroon ng harapan at tuloy-tuloy na kontak, na humahantong sa pagbabago ng gawing kultural ng isa o dalawang grupo.”[5] Medyo sixties pa ang aking reference pero sadya ito para maipakita ang malaking hakbang o talon na nangyari sa modernidad mula sa panahong iyon Sa panahon ng modernidad, puwedeng wala na ang elemento ng paghaharapan. Ito na ng ang pinakapusod ng modernidad. Ang kroskultural na pangyayari ay naidudulot nang kasingbisa, kung hindi man mas mabisa, ng midyum ng teknolohiyang odyo, odyobiswal o madalas sa ngayon na biswal na lamang.
Sa karanasan nating mga Filipino, itong akulturasyon ay katumbas ng kolonisasyon, sa ilalim ng mga Espanyol at Amerikano. Sigurado tayo sa nangyayaring pagbabago ng ating kultura. Marami itong pagbabago na naganap nang biglaan at gayundin sa matagalan. Kultura ang pangunahing sityong pinangyarihan ng mga pagbabagong ito. At nasa pusod ng kultura ang wika.
Sa akulturasyon, masalimuot ang mga pagbabagong nangyayari. Hindi lamang ito parang paglilipat ng produkto mula sa isang pook patungo sa bagong pook. Hindi pagdadala lamang ng krus o imahen ng Santo Nino ang relihiyon. Hindi lamang paghanga sa special effects ang epekto ng panonood ng pelikulang Hollywood. Kaakibat ng mga bagong kultural na praktis na ipinakilala sa bagong kultura ang isang buong sistema, isang bagong pananaw-sa-mundo. Nagbabago ang panlabas na gawi ng isang pangkat at kasabay nito, nagbabago din ang kaniyang panloob na gawi.
Ang pakikipag-ugnayan ng katutubong kultura sa Kanluran ay nagsimula sa Kristiyanisasyong proyekto ng Espanya. Ito na rin ang hudyat ng panahon ng modernidad sa Eurosentrikong pananaw sa kasaysayan.[6] Sa kabila ng mataas na kalidad ng mga dinatnang mga kultura, mababa ang pagtuturing ng mga Europeong kolonisador sa mga ito. Hindi itinuring ang mga abanteng sibilisasyong Tsino, Hindu, at Aztec bilang sibilisasyon kundi pawang nangangailangan lamang ng liwanag mula sa Europa. Sa madaling sabi, itinuring na barbariko ang mga kulturang ito pati na ang mga katutubo o taong kabilang sa mga ito.
Isang mito na sa pagdating ng isang mananakop sa lupalop, ang tanging aksiyong mangyayari sa proseso ng kolonisasyon (isang kros-kultural na penomenon) ay ang pagkabura ng mga katutubong kaalaman at gawi. Sa pag-aaral ng mga iskolar sa nakaraang dekada, tulak ng nasyonalismo o matatawag sa usong rubrikong postkolonyalismo, maraming pag-aaral ang mga iskolar na Filipino kaugnay ng transkultural na interaksiyon ng katutubo at dayuhang wika, partikular sa larangan ng panitikan na nagpaliwanag na hindi pagkabura ang nangyayari. Totoo ito dahil kung hindi ay wala nang maiiwang katutubo. Lahat ng ating mga ninuo ay naging mga Espanyol na sana. Sa mga iskolar na ito, pangunahin na sina Bienvenido Lumbera, Resil Mojares, Nicanor Tiongson, Virgilio S. Almario, Reynaldo Ileto, at Vincent Rafael. Sa panitikang anyo, ipinaliwanag nina Lumbera at Almario na hindi lamang palagiang nasasakop ang mga katutubong anyo. Malakas ang tradisyong pangkultura ng mga Indio, ng ating mga ninuno, kung kaya ang kanilang mga pampanitikang anyo ay hindi nakitil. Marami sa mga ito ang nakipagtunggali sa proselitisasyon ng mga fraile. May nawala na siyempre. Mahaba ang listahan ng mga fraileng Espanyol sa larangan ng tula pero ang halos karamihan ay wala nang ehemplo. Nakikawing ang iba. Ito ang tatawaging haybrid ng ilang kritiko. May elemento ng Espanyol at may elemento ng katutubo. Tulad na lamang ng popular na anyo ng awit, ang anyo ng Florante at Laura na sa katotohanan ay higit na Espanyol. Itinuturing na itong anyong Filipino ng mga Filipino kahit ang pinag-ugatan ay hiram na anyong pampanitikan. Iginigiit ng kros-kultural na proseso na kapag lumipat na ang elementong hiniram sa sistema ng katutubo, ganap nang nawawala ang esensiya ng hiniram at tuluyang nang naipapaloob sa sistema ng nanghiram. Naturalisasyon ang tawag dito.
Manipestasyon ito ng tinatawag ng historyador na Onofre D. Corpus na “paninirahan” ng katutubo sa dalawang daigdig—sa daigdig ng kolonisador at sa daigdig ng katutubo.[7] Kapag kaharap ang fraile, nagmamano at nagpapakita ng maamong gawi ang Indio; ngunit sa kani-kanilang komunidad ay bumabalik sa animistang pananaw-sa-daigdig. Ipinapaliwanag ito ni Vincent Rafael na dulot ng tabing ng dayuhang wika, sa kasong ito’y ng Espanyol, na nagbubukod sa ahensiya ng kolonisasyon at sa aktuwal na buhay ng mga katutubo.[8] Hindi nauunawaan ng mga deboto ang sermon ng pari at ang ginagawa lamang nila sa interpretasyon sa naririnig ay isang sistema ng panghuhula batay sa ekspresyon ng mukha, muwestra, at tono ng tinig ng fraile. Sa ganitong negosasyon ng dayo at katutubo, hindi nagtatagumpay ang proselitisasyon at nagpapatuloy lamang ang katutubo sa kaniyang kinagawian. Kaya nga hindi kailanman nagtatagumpay na ganap na masakop ng proyektong imperyal ang katawan at pati kaluluwa ng Indio. Palagian itong madulas at nakakahulagpos sa kamay ng kolonisador. Sa introduksiyon ng manwal ng pag-aaral ng wikang Espanyol para sa katutubo, sinabi ni Tomas Pinpin na mahalagang pagsikapan ng Indio na mag-aral ng wika ng kolonisador. Mabuti ito diumano upang maging ganap ang pagiging sibilisado ng bagong binyag pa lamang na Kristiyano. Madalas kasi na ang Indio na hindi marunong ng Espanyol ay hindi mapakali at nanginginig sa presensiya ng dayuhan. O mas madalas na reaksiyon niya ang pagkaumid ng dila at imobilisasyon. Ikinumpara tuloy ni Pinpin sa “bangkay” ang mga kababayang hindi makalahok sa negosasyong pasalita. Para na ring patay kung ganoon ang mga Kristiyanisadong ni hindi makabati ng magandang araw sa fraile o guwardiya sibil. Pero paradohiko ang hindi pagkatuto ng Espanyol ng mga Indio. Hindi naman kasi naging patakaran ng imperyo na maituro ito sa Indio. Kung kaya sa hindi niya pagsuong sa dayuhang wika, napanatili niya ang sarili at dating pananaw-sa-daigdig.
Iba naman ang nangyayari kapag ang pari ay sinadyang pag-aralan ang wika ng katutubo. Sa kasong ganito, nakatutulay ang dayuhan patungo sa daigdig ng mga taong gusto niyang hikayatin at paunawaan ng doktrinang Katoliko.[9] Apropriyasyon sa mga idioma at pamahiin ang ginawa ng fraile. Pinalitan ang mga paglalarawan sa Bibliya sang-ayon sa materyal na daigdig ng bagong kultura. Isinasakonteksto ang doktrina sa pananaw sa daigdig ng mga katutubo. Mahihinuhang ang mga taga-Bataan na nakarinig ng sermon ng fraile ay hindi magkakaroon ng problema tulad ng mga deboto sa San Diego. Naging padron pa ang estilo sa prosa ni Padre Blancas de San Jose na nakaugat sa gramatikang Latin sa mga susunod na manunulat sa prosa tulad ni Presbitero Modesto de Castro na sumulat ng Urbana at Feliza. Ang birtoso bagamat mabulaklak na estilo ni de Castro ang magiging bukal naman ng tradisyon sa prosang Tagalog na matutunghayan kina Lope K. Santos at iba pang nobelista sa unang bahagi ng siglo 20. May hinuha ako na kapag sinabing magaling managalog ang isang tagapagasalita, malamang na tinutukoy ang galing sa retorika at kasangkapang pang-estilo na nakaugat sa tradisyong de San Jose-de Castro-Santos. Maituturing na itong bahagi ng katutubong galaxy ng kaalaman.
Kung gayon, ang wika at panitikan ang tagpuan ng akulturasyon o ng kolonisasyon sa karanasang Filipino. Malaki ang papel ng pagsasalin sa prosesong ito at daluyan ng kultural na negosasyon. Kung isang belo o telon ang wika sa pagitan ng dalawang kultura, ang pagsasalin ang pinakamabisang tagahawan ng tabing na ito. Batid na natin na ang Kristiyanismo ay lumaganap sa interbensiyon ng isinaling bersiyon ng orihinal na teksto ng Bibliya patungo sa iba’t ibang wika ng mundo, kabilang na ang Ingles at Tagalog. Ang paglilimbag ng nakasaling bersiyon ang kongkretong patunay sa nagaganap at magaganap na kroskultural na interaksiyon. Sa proseso ng pagsasalin, sang-ayon kay Eugene Nida, mahalaga na iangkop ng target language sa sarili nitong pananaw-sa-daigdig ang pananaw-sa-daigdig ng source language. Masalimuot na usapin ito lalo na sa teolohikong larangan. Halimbawa, paanong itatawid sa kultura ang pangyayari na nilatagan ng mga Israelita ng dahon ng palma ang daanan ni Hesukristo para sa isang tribu sa kagubatang Amazon na pinahahalagahan ang pagdating ng isang mahalagang tao sa pamamagitan ng lubos na paglilinis sa dadaanan nito? Nasa pagpapaliwanag na ng misyonero ang mga kontradiksiyong ganito. O puwede ring maglagay ng talababa. Para sa mga sekular na teksto, payo ni Nida na mas dapat masunod ang pananaw-sa-daigdig ng target language. Halimbawa, kung materyal na kultura ang isasalin at kaakibat lamang na pangalan ang itutumbas, ang snow bilang konsepto ng kaputian, puwedeng humanap sa target language ng bagay na kasingputi ng snow para maipahayag ang konsepto. Isa ito sa mga prinsipyo ng kroskultural na komunikasyon at tumbasan.

Kroskultural na Pagtatagpo sa Panahon ng Modernidad
Interaksiyon sa Panitikan
Bumilis ang proseso ng kroskultural na interaksiyon ng Europa at Filipinas matapos ang kalakalang Galyon at nang mabuksan ang kanal Suez. Napagtuunan na ng imperyo ang arkipelago sa halip na ang komersiyal na ugnayan sa Mexico. Nang makipagkalakalan sa ibang nasyon ang maraming katutubo, umunlad ang kanilang pamumuhay. Marami ang kabataang anak ng mga umunblad na pamilyang Indio ang nakapag-aral hindi lamang sa Maynila kundi maging sa Espanya. Tumaas ang panlasa ng ilang sektor at naghanap ng ibang mababasa bukod sa relihiyosong teksto. Lumitaw ang mga babasahing tulad ng romansang awit tulad ng Florante at Laura at libro ng asal tulad ng Urbana at Feliza. Ayon kay Bienvenido Lumbera, ang erudisyong itinatanghal ni Francisco Baltazar sa Florante at Laura ay indikasyon ng nagbabagong kahingian ng sektor na ito. Ganito rin ang layunin ng Urbana at Feliza na nagtuturo sa mga taga-nayon kung paano kumilos sa mga urbanisadong komunidad tulad ng Maynila. Ang popular na edisyon ng limbag na mga akda ay nagpabago din sa transmisyon ng panitikan. Hindi na lamang oral ang moda ng popularisasyon. Nagkaroon ng indibidwal o pribadong dimensiyon ang panitikan dahil sa nakalimbag na distribusyon ng mga teksto. Puwede na itong basahin nang mag-isa sa liwanag ng lampara sa loob ng sariling silid.
Dulot na rin ng modernong teknolohiya ng telepono, radyo, paglilimbag, at pagkaraa’y ng pelikula at telebisyon, higit naging mabilis ang diseminasyon ng kroskultural na pagtatagpo sa ilalim ng mga Amerikano. Sa panahong ito sumibol ang kulturang popular at pangingibabaw ng komersiyal na direksiyon ng produksiyon ng kultura. Kambal ang epekto ng pangyayaring ito sa katutubong panitikan. Sa pagpasok ng Ingles bilang bagong wika ng kolonisasyon, nailagay muli sa segunda klaseng pagtuturing ang katutubong panitikan na yumabong sa panahon ng himagsikan. Nasa pagluluklok sa panitikang Ingles, kabilang ang mga naisulat ng mga Filipino, bilang pamantayan ng mahusay na panitikan ang nagpadismaya sa pagtaya at pagpapaunlad ng katutubong panitikan. Sa pagbabalik sa sarili bilang bahagi ng nasyonalistang proyekto noong 1960s pa, kabilang ang ibang larangan lalo na ng kasaysayan, ang tendensiyang ito ay mabisang nakritiko at patuloy na kinikritiko nina Lumbera, Almario at iba pang iskolar tulad ni Rosario Cruz Lucero, Lilia Quindoza Santiago, Erlinda Alburo, at iba pa.
Sa kroskultural na proseso, gamit ang paradigmang hindi basta nabubura ang katutubo ng dayuhang kultura, maaari namang magamit ang dayuhan sa pagpapaunlad ng katutubo. Apropriyasyon ito o ang sabi nga ay rekuperasyon. Maihahalimbawa ang Modernismo sa larangan ng panitikan. Noong 1930s hanggang 1960s, ang mga manunulat sa Tagalog ay nagbasa ng mga dayuhang panitikan at pinatuloy sa kanilang kamalayan ang impluwensiyang Modernista sa estilo at sensibilidad ng kanilang mga tula at kuwento. Higit na kilala sa mga ito ang pangkat na Bagay at Manlilikha sa panulaan at Sigwa at Agos sa maikling kuwento. Ilan sa mga awtor ng mga pangkat pampanitikang ito sina Rolando Tinio, Bienvenido Lumbera, Pete Lacaba, Rogelio Sicat, Edgardo Reyes, Dominador Mirasol, at iba pa. Kabilang sa mga awtor na binasa nila sina T.S. Eliot, Federico Garcia Lorca, Ezra Pound, Basho, Li Po, Rilke, Thomas Mann, at Ernest Hemingway. Lumikha ito ng kabaguhan sa pagsulat ng panitikan at sa katotohanan ay nagpasulong sa kalidad ng mga akda at pati sa paraan pagbasa ng mga ito sa hanay ng mg kritiko. Nasa penomenong ito ang posibleng kroskultural na prosesong nangyari sa tula. Isa sa mga pangunahing tagapagtaguyod ng Modernismo sa Ingles sina T.S. Eliot at Ezra Pound. Sa tunay na paraang kroskultural, iniluklok ni Pound ang obhetibong sensibilidad ng mga Tsino sa pagsulat ng tula. Ginawa niya itong isa sa panandang-bato ng Modernistang pagsulat ng tula. Iniwasan ang melodramatiko sa estilong ito. Itinanghal na marka ng sopistikasyon ang impersonalidad o kawalan ng hayag na ekspresyon ng emosyon. Mentor ni Eliot si Pound at inimbento naman ni Eliot ang terminong objective correlative para pangalanan ang impersonalidad sa pagtula.[10] Naging sound byte itong termino sa mga pormalistang palihan hanggang ngayon. Itong objective correlative ay paghahanap ng simbolo, pangyayari, disenyo sa pagsulat at interpretasyon ng tula. Parang mahabang bugtong ang tula. Hindi mo sasabihin ang paksa at damdamin. Ipapahiwatig lamang. Bahala ang mambabasa na bumuo dito. Pero nakaangkla pa rin ito sa teksto. Nakatago sa pagitan ng mga linya ang ibig sabihin ng tula. Masasabing simpleng talinghaga lamang pala itong objective correlative. Pahiwatig. Sa pagtasa kung may sistemikong impluwensiya ang isang prinsipyong poetiko sa panulaang Filipino, na hindi lamang tila paglilipat ng materyal na bagay ang epekto nito, masasabing mayroon itong malalim na impluwensiya. Unang-una na sa estetikong larangan. Kinakahidwa ng mga kabataang makata noong dekada sisenta ang matibay na moog ng tradisyong tinawag ni Almario bilang Balagtasismo. Sa pagsusulong ng Modernistang estilo, nakapag-ambag ng malaking pagbabago ang mga kabataang manunulat sa panulaang katutubo. Kung tatandaang sistema sa sistema ang batayan ng kroskultural na interaksiyon, naging mabisa at katanggap-tanggap ang hiram na elemento dahil mayroong nakakatulad na elementong sumalubong dito sa katutubong sistema. Ang nangyari ay hindi lamang paghugot sa dayong halaman ang nangyari at pagtatanim nito sa katutubong larangan kundi pagputol sa hiram na tangkay at pagsisingit nito sa sanga ng panulaang katutubo. Sa ngayon, isa na sa repertoire ng pagsuri ng kontemporanyong tulang Filipino ang prinsipyong Modernista. Kinikritiko ito ng ilan bilang moda ng pag-iisip na konserbatibo dahil sa paghiwalay ng kamalayan ng manunulat sa malawak na lipunang kaniyang kinabibilangan pero nabaligtad na ito ng modernong makatang Filipino sa pamamagitan ng paggamit ng obhetibong sensibilidad sa pagpaksa ng mga isyung panlipunan. Maitatanong tuloy, bakit naman kailangan pa ng endorsement ni Ezra Pound at T.S. Eliot para magustuhan ng mga makata natin itong objective correlative? Bahagi na yata ito ng politika ng kultura ng Filipino. Bakit kaya hindi na lang natin hiniram nang diretso sa ating kalapit-bansang Tsina ang Tsinong impluwensiya? Ito nga ang tanong ng Chinese expert na si Dr. Mario I. Miclat. Bakit kailangang dumaan sa Ingles at mga Amerikano para maanggihan ng mayamang kultura ng mga Tsino? Simple lang yata ang sagot. Hindi tayo marunong ng Mandarin! Pero ang gusto lamang sabihin dito ay hindi lamang naman sa Ingles tayo puwedeng umasa ng kroskultural na yaman. Nahuhumaling tayo masyado sa mga Amerikano. Mayroon pang French, German, Portuguese, at mga katutubo nating wika.
Hindi lamang naman internasyonal ang kroskultural na interaksiyon. Mayroong ding paglilipat ng kultura sa pagitan ng mga wika sa Filipinas sa larangan ng panitikan. Nakakalungkot na marami sa atin ang hindi kilala ang mayamang oral na tradisyon. Halimbawa na ang mga epiko. Mayaman ang mga ito sa naratibo at mitolohikong pananaw-sa-daigdig. At marami na ang nalimbag na epiko. Ngunit patikim-tikim pa lamang ang ating mga manunulat sa posibilidad ng kroskultural na impluwensiya ng mga epiko at mitolohiyang katutubo sa kanilang pag-akda. Nagagamit na ang mga alamat at kuwento pero hindi pa kailaliman ng mga ito. Higit na kapana-panabik ang ginawang adaptasyon ng Dagyaw ng Iloilo High School sa epikong Hinilawod. Pero ang sabi nga ng koreograper na si Agnes Locsin, ang isang oras na chanting ng epiko ay naipapahiwatig sa sayaw at produksiyong teatriko sa loob lamang ng isang minuto. Paano naman ito nangyari? Sa paggalaw lamang ng paa at mga daliri, naipapahiwatig na ang mahabang paglalakbay ni Humadapnon. Ang tatlumpung oras na epiko sa performans ni Lola Elena, ang epic chanter, ay isa’t kalahating oras lamang na sayaw.
Isang hamon sa mga manunulat na magamit sa kanilang kroskultural na proyekto ang mga katutubong materyal. Nasimulan ng sining ng sayaw ang adaptasyon sa mga ito. Angkop ang tula sa kondensasyong nagagawa sa sayaw. Sa pamamagitan ng alusyon, natatawag ng makata ang buong masalimuot na teksto ng epiko. Maibibigay kong halimbawa ang tula ni Mike L. Bigornia na gumamit sa kuwento ng epikong Lam-ang ng mga Ilokano. May afiniti si Bigornia sa materyal dahil tubong-Abra ang kaniyang angkan, bahagi ng tinatawag ni Lilia Quindoza Santiago ng topograpiya ng Amianan o Hilaga. Litaw ang espasyong hilaga sa imahinasyon ni Bigornia sa tulang “Agam-agam ni Lam-ang” na nalimbag noong 1987.

Ang dagat ay nakangangang berkakan
At bathala akong naging nilalang.

Sanggol pa’y alam ko na ang aking pangalan
Nilipol kong mag-isa ang mga di binyagan.

Ang dagat ay nakangangang berkakan
At bathala akong naging nilalang.

Loob ko’y matatag at hindi malilinlang
Kahit ng bulong at bango ni Saridandan.

Ang dagat ay nakangangang berkakan
At bathala akong naging nilalang.

Ang nakatayo ay aking ibinuwal
Ang nasa lupa ay aking itinanghal.

Ang dagat ay nakangangang berkakan
At bathala akong naging nilalang.

Sinamba ako ni Ines, ng silag at lansangan;
Binayani ng palakpak at kaway sa Kalanutian.

Ang dagat ay nakangangang berkakan
At bathala akong naging nilalang.

Ngunit ay! Ipinagkanulo ako ng kabayanihan
Sa palikpik at kaliskis ng rarang.

Ang dagat ay nakangangang berkakan
At bathala akong naging nilalang.

Tatang, Tatang nang ako ba’y isilang
Tabsing ng Currimao ang aking kapalaran?

Ang dagat ay nakangangang berkakan
At bathala akong naging nilalang.

Gayunma’y handa ko nang sisirin ang kamatayan
Na ipinapataw ng bituin at buwan.

Ang dagat ay nakangangang berkakan
At bathala akong naging nilalang.

Bathala man o tao ay may sariling berkakan
Na maghahatid sa buhay na walang hanggan.[11]

Mitiko ang presensiya ng epikong Lam-ang sa imahinatibong espasyo ng literaturang hilaga. Ang paghahanap sa sarili ng protagonistang Iluko ay kakikitaan ng perenyal na karanasan ng maraming Ilokano—ang pakikipagsapalaran sa labas ng kaniyang heograpikong espasyong tinubuan. Ito na nga ang diasporang maging ang ibang kapuwa Filipino ay sinuong na rin dulot ng ekonomikong impetus. Sa labing-anim na pares ng taludtod, binuod ng tula ang mga pangunahing tagpo ng orihinal epiko. May katangian ng pagbersong Iluko ang tula: may tugmaang isahan para sa kabuuan, ngunit walang mahigpit na sukat o sesura man lang ang mga taludtod. Sa katotohanan, walo lamang ang isinulat na pares ng taludtod ni Bigornia dahil salitan lamang ang pag-ulit ng unang pares at ng mga sumunod pang pares ng mga taludtod. Mitiko ang antas ng pag-akda sa tula at ang protagonista mismo ang persona sa teksto. Simboliko at alegoriko ang mga pangunahing imahen tulad ng berkakan, rarang, dagat, at maging ang mga aksiyon ng tao at kalilgiran ni Lam-ang. Naglangkap ang dagat at ang berkakan bilang isang simbolong mapanlikha at mapanira. Sa isang pagtingin, ang dagat ang primal/arketipal na ina. Sa sinapupunan nito nagmumula ang buhay at kung minsan naman ay nagiging halimaw na lumalamon sa tao. Sa kuwentong Biblikal ni Jonah, ang balyena (kauri ng berkakan dahil sa pagiging marinong nilalang) ay simbolo ng sinapupunan na katatagpuan ng kaligtasan mula sa hindi maasahang realidad na likha ng kalikasan at lalo na ng tao. Mahina ang loob ni Jonah at di-malay ay ninais niyang magkubli sa loob ng balyena upang hindi gawin ang atas sa kaniya ng Diyos. Ngunit isa ring proseso ng pagtuklas sa sarili ang pagtatago sa mala-sinapupunang kadiliman. Darating ang yugto na mababatid ni Jonah na hindi siya puwedeng magkubli na parang sanggol habang buhay at huwag harapin ang hamon at atas ng kaniyang Panginoon, gayundin ang kaakibat na pagkakataong maabot ang pag-unlad bilang tao para sa sarili at higit na mahalaga, para sa kaniyang kapuwa. Sa kaso ni Lam-ang, ang kabaliktaran ng karanasan ng propetang si Jonah ang nangyari. Masyadong mabilis at walang alinlangang dinanas ng bayaning si Lam-ang ang halos ang buong ispektrum ng karanasan at damdaming pantao. Ginapi niya ang mga di-binyagan, walang takot na nakipaglaban sa buwaya, umibig, at itinanghal na bayani ng kaniyang bayan. Hindi nagkaroon ng pagkakataon na kilalanin ng protagonista ang sarili sa pino at malalim na paraan. Kilala lamang niya ang sarili sa pangalan ngunit hindi pa niya naaarok ang kaibuturan ng kaniyang pagkatao, o maging ng kaniyang pagkabathala. Puno ng aksiyon ang kaniyang buhay at wala siyang yugto ng pagdidili sa halaga ng kaniyang eksistensiya. Kaya labis ang kaniyang tiwala sa sarili. Isa man siyang bathala, tao ang malaking bahagi ng identidad ni Lam-ang. At dahil sa katotohanang ito, may dulot na agam-agam sa kaniya ang posibilidad ng kamatayan na sinisimbolo ng berkakan. Isang uri ng pagbalik sa sinapupunan ng kalikasan ang kamatayan. Ngunit hindi ito maarok ng isang bayani, ng isang lagi na’y pinagtatagumpayang malampasan ang mapait na pagkalagot ng hininga. May alusyon ito sa sinumang nakaabot sa antas ng isang bayani at nahihirapang tanggapin ang katotohanan ng mortalidad. Ngunit sa wakas ng tula, tiyak na ang tinig ni Lam-ang at handa nang magpayakap sa malalim, madilim na sinapupunan ng dagat/berkakan.
Interaksiyong hypertext
Sa panahon ng cyberspace at hypertext, nag-iiba na rin ang paraan ng pagtatagpong kroskultural sa panitikan at wika. Higit nang biswal ang moda ng pag-iral ng mga teksto at sa ayaw man o hindi ay naaapektuhan ang paraan ng presentasyon ng panitikan. Ang sabi nga ng batang iskolar na si Vlademeir Gonzales, “di-linyar…di hirarkikal” ang hypertext.[12] Mangyari’y sa pagbasa sa iskrin ng computer, walang malinaw na simula at dulo. Puwedeng kang mag-iskrol nang mag-iskrol at kung ano ang nasa iskrin ay ito ang mapagtutuunan mo ng pansin. Itong sistema ng pagtingin sa realidad sa dalawang dimensiyon ng flat screen ang kinaiiralan ng hyper-reality. Umaasa ito muli sa biswal na paraan ng komunikasyon. Paradoha ang nangyayari. Isang mas primitibong moda ng komunikasyon ang biswal na pamamaraan. Higit na sulong ang teksto o ang wika. Ngunit kakaiba na sa panahon ng modernidad, muling nangingibabaw ang imahen at ang paningin bilang tagapagdala ng kultura. Ang tawag nga dito ng Pranses na kritikong si Baudrillard ay umaasa na lamang ang modernong nilalang sa simulakrum o kopya ng imahen na kopya sa realidad. Ang nangyayari ay higit na nagiging mulaan ng katotohanan ang kopya kaysa sa orihinal. Panahon na ito ng simulakrum. Sa midya, nagiging totoo lamang ang isang pangyayari kapag naisama na ito sa CNN, 24 Oras o sa Bandila. Kahit na nasaksihan mo na ang mismong madugong rali sa Philcoa o sa St. Peter’s Basilica sa Commonwealth, o sa Mendiola, makukumpirma lamang ang pangyayaring ito kapag nakita mo nang muli sa flat screen ng telebisyon sa bahay. Totoong nangyari ang nasaksihan mo sa kalye dahil itinanghal sa hyperreality ng mass media.
Ano na ang kinabukasan ng panitikan sa panahon ng modernidad? Titindi ang paghamon ng modang biswal sa textual na pag-iral ng panitikan. Sa hanay ng mga kabataan, ang online games tulad ng Ragnarok at iba pa ay pumapalit na sa pagkahilig sa pagbabasa. Diumano’y kakaibang daigdig ang pinapasok ng mga online gamer. Kailangan ng 24 linggo bago matapos ang kompletong ruta ng isang laro. Parang totoo ang pakiramdam. Epic proportions kung ganoon. Ito na nga ang epekto ng hyperreality. Nahahalinhan na ang aktuwal na interaksiyon sa buhay ng interaksiyon sa cyberspace. Pero sang-ayon sa isang lumalahok sa mg larong ganito, nahahasa pa rin daw ang tradisyonal na value tulad ng pagkakaibigan, pakikisama, at pakikipagsapalaran. Kung minsan, nagkikita ang mga gamer. Pero sa loob ng cyberspace, malaya ang indibidwal na bumuo ng inimbentong identidad. Puwedeng magpanggap na babae ang lalaki. O magpalit ng edad. At habang nasa hyperreal na kaligiran, totoo ang nangyayari sa isip ng mga gamer.
Isa pang indikasyon nitong hyper-reality ang adaptasyon ng mga nobela patungo sa biswal na midyum ng pelikula. Ilang manonood ang nagsasabi na mas maganda ang pelikula kays orihinal na nobela. Hindi na kailangang basahin ang 500 pahina ng Crime and Punishment. Rentahin o bilhin mo na lamang ang DVD nito.
Bagama’t sa ngayon ay malinaw pa ang hanggahan ng piktoryal na sining at textual na representasyon ng kuwento at tula, darating ang panahon na mangingibabaw na ang biswal na bersiyon ng huli. Sa ganitong paraan, maaaring mabilis ang proseso ng kroskultural na pagtatagpo. Pero sa palagay ng mag-aaral na ito, hindi mawawala ang textual o lingguwistikong kairalan ng panitikan. Magkakaroon lamang ng mga ramipikasyon ng representasyon dulot ng bagong kahingian o oportunidad sa teknolohiya. Ipagdasal natin na sa panahon ng modernidad, manatili ang kapangyarihan ng salita, ng bisa ng panitikan.

[1] Hoult, T.F., ed. Dictionary of Modern Sociology. New Jersey: Littlefield, Adams & Co., 1969.
[2] Cohen, Anthony P. The Symbolic Construction of Community. New York: Routledge, 1985.
[3] Ferdinand de Saussure, Course in General Linguistics. Edited by Charles Bally and Albert Sechehaye. New York: The Philosophical Library, Inc., 1959. Reprinted 1966 by McGraw-Hill Paperback. pp.65-66.

[4] John Beattie. Other Cultures. New York: The Free Press, 1964. p. 241.
[5] Herskovits, M.J., sa Beattie. Other Cultures (1964). p. 242.
[6] Walter D. Mignolo, “Globalization, Civilization Process, and the Relocation of Languages and Cultures,” nasa Fredric Jameson and Masao Miyoshi, mga editor. The Cultures of Globalization. Duke University, 1998. pp. 32-53.
[7] Onofre D. Corpuz. Roots of the Filipino Nation. Quezon City: AKLAHI Foundation, Inc. 1989.
[8] Vicente Rafael. Contracting Colonialism. Quzon City: Ateneo de Manila University Press, 1988. pp. 1-2
[9] Halimbawa ang mga sermon ni Padre Blancas de San Jose. Tingnan sa Jose Mario C. Francisco, SJ, editor. Sermones. Quezon City: Ateneo de Manila University, 1994.
[10] T.S. Eliot sa “Hamlet” nasa Selected Essays. London: Faber and Faber Limited, 1951. Reprinted 1963. p. 145.

[11] Mike L. Bigornia, “Agam-agam ni Lam-ang,” nasa Talaang Ginto 1980-1991 (Batnag 1991), mp. 193-94.
[12] Vladimeir Gonzales, “Blog,” nasa Galileo S. Zafra at Romulo P. Baquiran, Jr. Sawikaan 2005. Quezon City: University of the Philippines Press, 2006. p. 39.

new blog

finally a blog. tagal ko nang plano ito. will post articles later. musta sa guests.